Naglalaman ng mga sariling pagtingin at pagkilatis sa lipunan…
Ang pagkakakilala at pagkaranas ng kulturang popular…
Ang Central Dogma ng Lipunan:
Isang Kritikal na Pagtingin at Pagsuri sa Kultrang Popular
Ayon sa siyensiya, ang buhay ay may central dogma. Ito ang nagdidikta sa lahat ng biyolohikal na proseso- mula sa chrosmosomes, tungo sa cells, sa tissues, organs, systems, at kung anu-ano pa. Sa aking pagtanda, unti-unting umuunlad ang aking pag-iisip at naging mas kritikal ang pagtingin ko sa aking lipunan. Mula sa maliliit at karaniwang bagay na ginagawa ko, hanggang sa pinakakomplikadong bagay na aking ding gingawa, iisa ang aking nagpagtanto: ang lahat ng ito ay mga central dogma. Kung sa biyolihiko ay may central dogma na namamatnugot sa bawat kaganapan ng mga buhay na bagay sa mundo, sa lipunan din ay mga central dogma na nagpapaikot sa bawat nangyayari sa buhay ng tao. Ito ay naka-ukit sa lipunan at patuloy na umaagos sa ating mundo; at ang central dogma na ito ay lubos na makikita sa pagtangkilik ng tao sa kulturang popular. Sa bawat paggalaw ng tao, sa bawat kantang tinutugtog sa radyo, sa bawat palabas na pinapalabas sa TV, sa mga damit sa bench o pagkain sa Jolibee, iisa lang ang pinapakita rito: lahat ay kontrolado ng central dogma.
Mahirap bigyan ng depinisyon ang central dogma na aking tinutukoy. Ito rin ay mahirap lagyan ng limitasyon sapagkat sinasaklaw nito ang napakaraming bagay, kaisipan, maging ang kasaysayan. Ngunit, maaring masabing ito ay nakapaloob sa kulturang popular. Kaya naman, mainam na aking isisiwalat ko ang aking mga karansan sa lipunang aking kinagagalawan at tingnan ang proseso at pagtanghal ng central dogma na ito sa kanyang pag-eksibit sa kaganapan ng kulturang popular.
Isang Makabagong Bayani:
Si Manny Pacquiao at ang Kanyang Kamaong Panlipunan
Ako ay pinanganak sa bayan ng Heneral Santos. Dito na rin ako lumaki. Naaalala ko pa noong bata ako, tuwing linggo pagkatapos ng pagsimba, hinding hindi maiiwasan ang pagdaan sa plaza ng aking pamilya upang bumili ng koton kendi, lobo at sorbetes. At sa isang dako ng plaza ay makikita ang isang boxing ring. Dito ay may mga nag-eensayo at lingguhang labanan sa boksing. Naging isang sikat na isports ang boksing sa Heneral
Pagdating ko sa Maynila, di ko aakalaing magiging interesado ang tao sa akin dahil sa aking pagiging taga-Heneral
Kung iisipin, naging isang icon na nga si Manny Pacquiao sa kasalukyan. Pinupuri siya ng marami at tinitingala bilang isang kampeon sa larangan ng boksing. Tunay ngang masasabi nating si Manny Pacquiao ay isa produkto na ng kulturang popular. Liban sa dahilang marami ang tumatangkilik sa kanya, kaya ito ay nagbibigay ng saklaw sa popular na aspeto, maari nating makita na si Pacquiao ay isang nang “packaged” na produkto na kinukumsumo nating mga Pilipino. Sa mga advertisements mula sa ice cream, fastfoods, gamot, damit, at kung anu-ano pa, binihisan na si Pacquiao at ginawang isang bagay para sa konsumerismo. Maari ring nating masabi na si Pacquiao ay tinatangkilik ng kahit na sinong Pilipino. Mayaman man o mahirap, si Pacquiao ay naging bayani na nila. Mapa-Pilipino man o hindi, kinikilala si Pacquiao sa mundo ng boksing. Bata man o matanda, hinihiyaw ang pangalan ni Pacquiao sa bawat nitong laban. Binibigyan tayo ng isang pansamantalang kaisipan ng pagiging mapagmataas sa ating lahing Pilipino. Sabi nga ng iba, si Pacquiao lang ang nagkapagpa-isa sa ating bayan. Maaring masabi na isang gahum ang sinisumbuyo ng pag-unlad ni Pacquiao. Ang “pagbenta” kay Pacquiao ang nagpapakita ng kunsumerismo at kapitalismong ideyolohiya. Ang pagdidiktang nagaganap sa pagiging isang icon ni Pacquiao ay isa mismong proseso ng gahum. Ang namamayani at nasa “taas” ay ginagamit si Pacquiao bilang isang instrumento sa pagsuksok ng mentalidad ng namamayaning kaayusan. Patriarkal ang pagiging icon ni Pacquiao. Siyempre, si Pacquiao ang laging bida sa knayang mga laban, subalit pinapakita sa backgroung si Jinkee, ang kanyang asawa na andyan lang upang sumuporta, magdasal, humalik at yumakap kay Pacquiao pagkatapos ng laban. Kung ang mga komersyal ads ni Pacquiao sa Alaxan, Nike, etc. ay nagpapakita ng kanyang pagiging malakas, si Jinkee naman ay pinapakita bilang isang mahinhin na babae sa pag-endorse niya sa diaper, food and beauty products, etc.
Tumakbo si Pacquiao sa pagiging kongresista ng Distrito ng Heneral Santos. Sa una, inakalang magiging maganda ang laban ni Pacquiao at maari siyang manalo laban sa kasalukuyang kongresista, marami ang dumadalo at sumasali sa kanyang mga kampanyang pampolitikal, marami ang nangampanya sa kanya, siya ay nabilang sa isang partido- subalit, natalo pa rin siya. Sa pagiging isang icon na ni Pacquiao ng kulturang popular at sa kanyang pagsaklaw sa popularidad, hindi siya nagwagi sa eleksyon. Ano ang implikasyon nito sa kulturang popular? Ano ang pinapakita rito sa pag-iisip ng mga tao?
Una, maaring sabihin na ang mga tao ang sumasali at nangangampanya para kay Pacquiao dahil pangunahin sa pera. Pera ang nagdikta ng kanilang pagsuporta kay Pacquiao. Birit nga ni Pacquiao sa kanyang panayam sa lokal na radyo na nalaman daw niya ang kanyang mga tunay na kaibigan pagkatapos na ng eleksyon. Pumipila ang mga tao sa labas ng bahay ni Pacquiao para humingi ng pera. Nilalapitan siya kung hihingi ng tulong ang mga tao. Namimigay siya ng mga bigas at pagkain. Lahat ay may koneksyon sa pera.
Pangalawa, ang pagkatalo ni Pacquiao ay nagpapakita na namamayani at nanatili pa rin sa mentalidad ng tao na upang mamuno sa pamahalaan ay kailangan ng pinag-aralan at maayos na pagsasalita. Maraming kritisismo kay Pacquiao ang dumating ukol sa kanyang kakayahan sa pamumuno at kakayahang intelektwal. Sa isang panayam umano kay Pacquiao sa isang lokal na radyo, tinanong siya kung bakit siya tumakbo bilang isang representative sa distrito, ay sinagot niya ito na hindi daw siya tumatakbo bilang isang representative, tumatakbo raw siya bilang isang kongresista. Nakakatuwa mang isipin, dahil sa mga tagpong ito, marami ang natakot kung siya nga ay magiging isang representative o kongresista nga raw. Ito marahil ang pinakamalaking dahilan kung bakit natalo si Pacquiao- ang kawalan niya ng tama at pormal na edukasyon. Pagkatapos ng eleksyon ay kumuha siya ng pagsusulit para masabing maari na niyang ipasa ang High School. Sa kasalukuyan ay kumukuha siya ng kursong political science sa isang unibersidad sa Gensan. Tunay nga na malaki ang pagtingin nating mga Pilipino sa pormal na edukasyon. Nanatili ito sa ating mga isipan na upang magtagumpay sa buhay, kailangan ng pormal na pag-aaral. Ito’y isang namamayaning kaisipan na mahirap buwagin. Maari itong bakasin mula sa ating kasaysayan. Maari nating masabing isang kolonyal na mentalidad ang edukasyon. Ang pagdala nito sa atin ng mga Kastila at Amerikano ay naghatid din ng mentalidad ng pangangailangan sa edukasyon. Maari itong maikonsiderang isang gahum- ang pagdikta ng namamayaning kaayusan at ang pagtanggap ng tao sa upang gawing makabuluhan ito sa kanyang pamumuhay.
Pangatlo, pinapakita din ang pagsukat nating mga Pilipino sa katalinuhan ay ang maayos na pagsasalita ng Ingles (Ito ay konektado din sa pangalawang punto). Para sa ating mga Pilipino, ikaw ay matalino kung magaling kang mag-Ingles. Ikaw ay mayaman kung magaling kang mag-Ingles. Ikaw ay ‘elite’ kung magaling kang mag-Ingles. Isa itong kaisipang pumapatay sa ating wika at maging sa pambansang identidad. Kinokonsidera nating tayo ay mga mabababang uri dahil sa pagiging ‘angat’ o ‘elite’ ng wiakng Ingles. Gahum din ito kung maituturing- muli, ang pagdikta ng isang kaisipan na tinataguyod ng namamayaning kaayusan at ang pagtanggap ng tao dito. Nagmula din ito sa konsepto ng ‘Americanization’. Ang pagtangkilik ng ‘mass culture’ at ang pinaggalingan nito- ang sentro, at sa kasong ito- ang Amerika.
Maraming mga kagyat na unawa ang mapapansin sa kultura ng Pilipino at sa kulturang popular sa pagkilatis sa icon na si Manny Pacquiao. Ang mga nabanggit na rason ay ilan lamang sa mga katangiang minamalas ng kulturang popular sa kabuohan ng lipunan. Maaring masabi na ang kulturang ito ay kulturang naipakita ng pagkakaroon ng isang central dogma sa lipunan. Kaya naman, sa pagkakataong ito, maari nating masabi na isang implikasyon at manipestasyon ng central dogma ang kulturang popular (partikular ang icon na si Pacquiao). Sa bawat proseso at pag-iisip nating mga Pilipino, lahat ng ito ay dikta ng central dogma sa dahilang tayo ay nakapa-ilalim dito. Mahirap mang ipakita ang pinaka-ugat nito, ang kulturang popular ang nagpapakita sa kaganapang ito.
Wacky Day ng Kalayaan:
Ang Implikasyon sa Psikolohiya at Kultura ng Lipunan
Kilala ang Kalai bilang isang coed na dormitoryo para mga mag-aaral sa unang taon sa UP. Isa sa pinakahihintay na kaganapan dito ay ang Wacky Day. Dito ay nagsusuot ng “kakaiba”, “kakatwa”, at “kagilagilalas” na ‘costume’ ang mga residente sa isang buong araw sa loob ng kanyang mga klase. Isang buong linggo ako naghanap ng aking susuotin para sa Wacky Day. Nahirapan akong maghanap ng isang bagay dahil kinonsidera ko ang isang kasuotang magpapa-angat at magpapakilala sa akin. Isa nang tradisyon ang Wacky Day, ito ay nagsisilbing hudyat sa Open House ng Kalayaan. Subalit, kung susuriin nang maigi, hindi lamang ito isang hudyat ng Open House, ito rin ay sumisimbolo sa psikolohikal at kultural na pag-iisip hindi lamang ng mga residente ng Kalayaan, kundi pati na rin ng lipunan. Iba’t-iba ang sinuot na ‘costume’ ng mga residente. May mga nagpanggap bilang mga Anime characters, movie characters, aswang, bakla, at kung anu-ano pa. Maaring masabi na may implikasyon ang mga pananamit na ito sa pag-iisip ng lipunan at sa kulturang ating niraranas.
Ang karamihan ng mga ‘costume’ na isinuot ay nagpapakita ng kulturang popular sa kasalukuyang panahon. Kung papansinin, makikita ang pagtangkilik ng kabataan sa Anime. Nagsuot ang iba ng mga karakter mula sa Naruto, Avatar, Ghost Fighter, etc. Makikita din ang pagsuot ng mga karakter sa cartoons at pampelikula. Halimbawa ay ang pagsuot ng Jedi Warrior na nagmula sa pelikulang Starwars, si Tinkerbell ng Peter Pan, si Ursula ng The Little Mermaid, at kung anu-ano pa. Sa mga nabanggit na ilustrasyon, hindi maipagkakaila ang pagpasok ng mga dayuhang bagay sa tinatangkilik na kulturang popular ng mga Pilipino. Kaya naman, maari nating masabing sa kulturang popular na ating tinatangkilik, wala gaano itong ‘maka-Pilipinong’ aspeto. Karamihan ay nagmula sa ibang bansa. Ang pag-usbong ng mga ganitong mga kaganapan ay nagpapakita lamang ng kulturang idinidikta ng mas “nakaka-angat” na puwersa laban sa mababa o “lokal” na bagay. Ito marahil ay nag-ugat sa kolonyalismong mentalidad ng mga Pilipinong hanggang sa ngayon ay mahirap buwagin. Tayo ay nag-iisip na hindi maganda ang kalidad kapag lokal. Tunay na may mababa tayong pagkilala sa mga gawang lokal. Ang sitwasyong ito din ay nagpapahiwatig ng paglaganap ng globalisasyon. Ito raw ay isang makabagong kolonyal na mekanismo upang ipalaganap ang kapitalismong tunguhin. Nang dahil sa globalisasyon, nawawala ang mga boundary ng kultura at unti-unti itong nagiging isa. Subalit, pinapatay din nito ang identidad at kultura ng isang bansa. Hindi ito malayo sa konsepto ng gahum, ipinapakita ito sa mga tao bilang kanyang realidad. Ito na ang nagiging kultura at karanasan ng bawat isa sa atin. Tayo ay nagiging alipin sa ganitong mentalidad. Dahil sa globalisasyon, mas nagiging malawak ang sakop ng mga malalaking korporasyon. Kaya naman, nagiging magandang opurtunidad ito upang magkamit ng maraming pera. Dahil din marahil sa globalisyon, nagkakaroon ng isang pangkalahatang kultura ang tinatangkilik- ang paglaganap ng kulturang popular.
Sa isang namang perspektibo, nagpapakta ng spectacle ang Wacky Day. Kinakatuwa ng marami ang pagbabagong-bihis at ang kakaibang pagsuot. Ipinapakita ang exaggerated na pananamit. Tayo ay nakakakuha ng kakaibang aliw sa mismong pagsuot nito at sa mismong pagtingin sa ibang taong sumusuot nito. Kaya naman, nagtatalbugan ang mga tao sa larangan ng pananamit tuwing Wacky Day dahil gusto nilang mapansin at mangiba sa panahong ito. Lahat tayo ay nagnanais na maging ganito- ang mapansin at umibabaw sa madla. Isang psikolohiyang bagay ito na hindi maitatago. Kaya nga marami sa atin ang gusto maging artista. Marami sa atin ang gusto magpapayat para makita ng ibang tao na tao ang seksi. Marami sa atin ang gustong maging maganda. Subalit sino ba ang nagdidikta kung ano ang pagiging maganda? Napag isip-isip kong ako mismo ay may sariling batayan ng kagandahan na tulad din sa karamihan. Kahit ano pa man ang sabi ng iba na “ang tunay na kagandahan ay nasa kalooban”, hindi pa rin nawawala na tayo ay may pisikal na batayan ng pagiging maganda. Mula noong bata pa ako, alam ko na ang pagkakaiba ng pangit sa maganda. Marahil ang konsepto natin ng pagiging maganda ay matagal nang dumadaloy sa ating lipunan. Ito ang naging target ng mga kapitalista. Ang ekonomiya ng kagandahan ay isa sa mga larangang kumikita ng napakamaraming salapi.
Maraming binuwag na mainstream na kaisipan sa Wacky Day. Mapapansing marami sa mga kalalakihan ay nagsuot ng damit pambabae, at marami din sa kababaihan ay nagsuot ng damit-panlalaki. Binubuwag nito ang tradisyunal at sterotype na pag-iisip. Tayo ay nasa panahon ng post-modernism. Tila wala nang mga kategoryang kinikilala at wala na ring mga klasipikasyon. Nagiging parang tubig ang isang pag-iisip. Nagiging tila fluid ang konsepto ng kasarian at sekswalidad.
Tunay nga na nagpakita ng kasalukuyang kultura at psikolohika ang Wacky ng Kalai. Dahil dito, naisiwalat ang mga kaisipang umiikot sa lipunan. Ito ay isa namang implikasyon sa kulturang popular na hatid ng central dogma sa ating lipunan.
Mga Kantang Revival:
Kulturang Popular sa Musikang Pilipino
Sa larangan ng musika ng ating bansa, partikular sa panahon ngayon, binuhay muli ang mga kantang dati ay sumikat. Binihisan ito ng bagong anyo upang pumatok sa panlasa ng kabataan sa ngayon. Ito ay tinatawag na mga revivals. Ilan sa mga dito ay ang mga kantang pinasikat ng APO Hiking Society na binuhay muli ng mga bandang Parokya ni Edgar, Kamikazee, Barbie Almabis, Moonstart 88, at iba pa. Ang mga kanta ng Eraserheads ay binuhay din ng mga kontemporaryong banda. Sa proseso ng revival, masasabing binuhay muli ang isang kanta dahil sa dalawang dahilan: (1) una, dahil sa sobrang pagiging patok at pagkasikat nito noong unang panahon. (2) Pangalawa, dahil iniisip ng mga kontemporaryong artista at banda ay naglalayong maging sikat at ibalik ang pagkasikat ng kanta. Sa mga dahilang ito, ano ang pinapahiwatig nito sa katangian ng kulturang popular ng mga Pilipino noon at kasalukuyan?
Masasabing sumikat ang mga kanta dati dahil ito pumatok at umayon sa kultural na aspeto ng nasabing panahon. Sa proseso ng pag-revive ng mga kantang ito, ilan sa mga kanta ay sumikat muli ngunit ang ilan naman ay hindi pumatok. Kaya naman, masasabing pabago-bago ang anyo ng kultura at panlasa ng Pilipino sa mga kanta. Ang pag-ayon ng kanta sa isang cultural continuum ay nagpapakita ng pagiging porous ng kulturang popular. Ang kulturang popular ay maaring magbagong anyo upang pumatok at bumagay sa isang kultura o panahon. Nagpapakita din ang pagiging selective ng tao sa pagtangkilik ng kulturang popular. Hindi nito itinatanggap nang basta-basta lang man ang kung anong bagay at gawin itong isang aspeto ng kulturang popular. Pumipili ang tao ng tatangkilikin. Subalit, maari ring masabi na bago pa man pumili ang tao ay pinili na ito para sa kanya.
Ang mga kontemporaryong kanta ay mga cultural forms. Ito ay ginamit ng mga nasa itaas o sentro upang maging isang mekanismo ng pagdikta, at sa siyempre, para sa pera. Muli, ito ay packaged na- hinubog at binihisan upang ipresenta sa mamimili.Ang mga kanta ding ito ay nagpapakita ng cosmopolitan na kultura. Nagmula ito sa sentro, at ito ay nagiging isa rin kulturang tinatangkilik ng mga rehiyong nakapalibot sa sentro. Kung ano ang patok sa sentro ay siya ring nagiging patok sa rehiyon. Kaya naman, lalong dadami ang kita sa pagkakataong ito.
Ang pabago-bagoon pagtangkilik natin sa mga kanta ay dikta na naman muli ng central dogma na nakapaloob sa ating lipunan. Ito ay pinagtitibay sa mga implikasyon na makikita sa kulturang popular. Ang bawat mekanismo at proseso ay bumubuo sa isang komplikadong sistema ng kulturang popular.